Friday, May 1, 2009

Aruy!

Sumasakit ang ulo ko kakaisip kung ano ang gagawin ko. Ma aalta presyon ata ako nito sa laki ng problemang hinaharap ko......paano ako kikita ng salapi pang tustos sa pamilya ko: si nanay, si tatay, si kidlat, si pagong, si pating, si gourami at iba ko pang mga isda. Oo nga pala, paano na ang pangbayad sa kuryente, tubig, gas, kina Jenny at Saling? Kung simple lang sana ang buhay madali sana pero iba na ngayon. Mahirap naman ibenta ang mga alaga ko, di naman sa pagaano ano, pero mahirap lang talaga ibenta ang mga matagal mo nang inalagaan. Ikaw kaya maghanap ng bibili kay pating na isang redtail catfish na halos isang yarda o isang metro ang haba.

Sa totoo lang, nasindak ako sa pagkakatanggal ko sa trabaho. Akala ko ok na ko. Matagal na akong abogado, at kahit di ako sikat, maganda naman ang linya ng aking pag aabogasya. Malaki din ang pera pero ang problema, mas malaki ang plano ni boss eh. Plano niyang lipulin ang lahat ng kontra sa kanya. Kungsabagay, ganyan siguro talaga ang buhay. Kontra kasi ako sa kanya.

Paano kaya ako magkakaroon ng sarili kong practice niyan? Di ako kilala sa labas dahil na rin sa uri ng trabaho na ginagawa ko siguro. Wala akong nakuhang cliente sa dati kong pinapasukan; krisis pa naman ngayon. Kawawa naman sila nanay at tatay. Pahinga na sana sila. Noong nakaraang ilang buwan ang pension nila para sa kanila lang talaga, ngayon ginagamit na rin yon para sa panggastos sa bahay.

Haaaaayyyy buhay! Pero ano naman magagawa ng pag-iisip at pag-aalala kung puros ganon na lang? Magdadala ba yan ng cliente? Hinde! Kelangan makahanap ng paraan para malaman ng iba kong mga kilala na di na ako empleyado at nangangailangan na ng cliente. Di kaya ako mag mukhang busabos?