Saturday, February 27, 2010

Veinte Seis

Ngayon, ako'y nagpapasalamat sa lahat ng biyayang nakamit ko sa araw na ito. Ang simpleng katahimikan, ang oras na ginugol sa aking sarili....ang paggising sa umaga, pag luto ng aking almusal at ako'y nagpapasalamat ng lubos sa paanyaya ni Jemy sa pagdalo sa Museum Volunteers Philippines lecture series kaninang umaga. Buti na lang at nakarating ako sa oras. Dahil dun, nadinig ko ng personal si Celeste Legaspi-Gallardo sa kanyang pagtalumpati tungkol sa kanyang Inang Bayan. Ako'y lubos na nagpapasalamat sa kanya, sa mga mata't pananaw niya sa kanyang kapaligiran, sa aming kasaysayan. Nagpapasalamat ako sa dakilang lawak ng pananaw ng lahat ng tao. Samu't sari, maaring walang kabuluhan sa iba, basta may kabuluhan para sa isa man lang tao, dapat respetuhin.

Nakakaaliw ang mga pinakita ni Celeste, mga lugar sa Pilipinas na di man lang alam, mga pistang katutubo, kakaiba, katuwa-tuwa at higit sa lahat, nagpapasigla sa aking dugong pinoy. Tunay na pinaghalong mundong oriente at occidental.

Lubos akong nagpapasalamat sa pagkakataong pinamalas ni Celeste sa kangyang mga panauhin ang ningning ng kanyang tinig sa kanyang pag-awit ng Bayan Ko. Nagpapasalamat ako sa tinig na ipinagkaloob sa kanya. Napakaganda.

Nagpapasalamat din ako kay Jemy na nagpaunlak at pinakinggan ang aking talumpati tungkol sa aking advokasiya. Nagpapasalamat ako sa interes na kanyang pinakita at sana'y ako ay makatulong sa pag papalawig ng kanyang seguridad pang pinansiyal.

Nagpapasalamat ako sa araw na ito dahil ito'y parang isang pagdidiskubre o eksperimento sa mga maaari kong gawin o gugulin ngayong ako ay wala ng trabaho. Maraming maaaring gawin. Huwag lamang mag panic at mag paka stress. Salamat at kahit sa ganitong panahon, ganitong munting paraan alam ko na umaandar pa rin ang aking utak, pumipintig ang aking puso sa sulok ng aking ulirat.